31 Days With Angelica

31 Days With Angelica

Matatapos na rin sa wakas ang lahat ng paghihirap at sakit na nararamdaman ko!

MGA katagang naglalaro sa isip ni Romeo, balak niyang tapusin ang buhay niya sa pagbibigti. Nang hindi ito natuloy dahil sa isang misteryosong tinig na nagpahinto sa kanya.

Napapaligiran ng maraming puno, madamong kapatagan at ligaw na halaman ang kinaroroonan ni Romeo. Nakatali sa malaking sanga ng puno ang lubid habang nakatungtong siya sa silya. Isang sipa lang niya rito ay masasakal na siya ng lubid na nakapalibot sa leeg ni Romeo.

Dahil sa tinig na narinig niya, nahinto siya ‘t nakiramdam sa paligid.

“Mabuhay ka at huwag mawalan ng pag-asa!” Palingon-lingon si Romeo sa paligid nang magulat siya sa kakaibang bagay na lumutang sa harapan niya.

Bigla lang iyong sumulpot nang hindi niya namamalayan kung saan nanggaling. Basta ang napansin lang niya ay isang mabilis na liwanag ang tila bumulusok mula sa langit at heto nga ang bagay na nasa harapan niya.

“I-Isang…” nauutal at kinakapos na salita ni Romeo. “I-Isang—itlog?!” malakas na sigaw ng binata.

Nagpatalbog-talbog ang itlog sa hangin na parang ang saya-saya nito.

“Kumusta? Huwag kang matakot, ipinadala ako ng langit para sa isang misyon!” sabi ng kulay puti at malaking itlog sa hangin.

“N-Nagsasalitang—itlog?!” bulalas niyang muli.

Matapos sumigaw nang malakas, nawalan ng malay si Romeo’t tuluyan nang humandusay sa lupa. Nagkaroon pa nang kaunting lakas si Romeo para silayan ang itlog na nagpapalutang-lutang sa hangin. Nahawakan niya ang leeg niya’t nahawakan ang putol na lubid.

“A-Ano’ng klase ng nilalang…” putol ni Romeo nang hindi na niya matapos ang pagbulong dahil nawalan na siya nang malay-tao.

NAGISING si Romeo na nasa loob ng kuwarto’t nakahiga sa kanyang kama. Bumangon siya’t nasandal sa malambot na unan sa sandalan. Isang malalim na buntong-hininga ang ginawa ni Romeo, bago tuluyang alalahanin ang nangyari sa kanya bago siya mapunta sa loob ng kuwarto.

“Kanina lang…”

Bumukas ang pinto’t dumating ang matandang babaeng naka-bulaklaking bestida at kulay puti na ang buhok. Si Lola Pasing ang nag-iisang karamay at kakampi ni Romeo sa buhay.

“Gising ka na pala, Romeo,” nakangiting bati ng matanda.

“Lola, ano pong nangyari? Paano po ako nakauwi?” mga tanong ng binata sa kanyang lola.

“Hindi mo natatandaan?” sagot ng matanda.

“La, wala po talaga akong matandaan, sumasakit nga rin po ang likod ko.” Pilit na inaabot ng kamay ni Romeo ang parteng sumasakit pero, hindi niya ito maabot.

Bumuntong-hininga ang matanda. “Nakahiga ka kanina sa tapat ng pinto. Akala ko nga lasing ka,” pabiro ng matanda.

Napakunot-noo si Romeo nang marinig iyon sa matanda. “Po? Lola naman, hindi po ako umiinom,” depensa ni Romeo.

Nangisi si Lola Pasing, kinuskos ang buhok ni Romeo bago hinalikan. “Alam ko naman. Mabuti pa magpahinga ka na uli.

Pinagpahinga na lamang ng matanda ang apo, hindi na nito inusisa pa kung ano talaga ang nangyari sa binata. Lumabas ng kuwarto si Lola Pasing saka sinara nang mahina ang pinto. Nakaramdam naman ng pagod itong si Romeo, hindi niya maintindihan ang mga pangyayari hanggang sa sumapit ang malalim na gabi.

Napabangon siya nang sumagi sa gunita niya ang lahat, alam niyang may nakita siyang itlog na nagsasalita. Bumaba siya sa kama’t sinaliksik ang buong kuwarto. Napaupo siya sa sahig nang makita ang malaking itlog na nasa karpet. Dahan-dahan niya itong kinuha saka niyakap sa kanyang bisig. Muli siyang umakyat sa kama at nagkumot kasama ng itlog.

Tahimik na nagmasid si Romeo, hinawakan ang itlog at nadama nito ang kakaibang init hanggang sa siya’y mapapikit at makatulog.

KINABUKASAN, isang sorpresa ang gumulantang sa binatang si Romeo. Kahapon lang nais na niyang tapusin ang buhay niya. May mabigat na pinapasan ang binata na pakiramdam niya, wala sa kanyang nakakaunawa.

Nakaduro ang hintuturo ni Romeo sa harapan niya. Nanlalaki ang mga mata niya’t nanginginig ang katawan nang magising siyang may kakaiba na sa higaan niya.

“B-Bata?!” pambungad niyang sigaw. “A-Ang itlog, naging bata?!” Mukhang nilamukos na papel ang hitsura ni Romeo sa pagkagulat.

“Hi po!” malambing na bati nito.

Isang cute na batang may suot na puting bestida, kulay ginto ang mahaba at kulot niyang buhok, gano’n din ang kulay ng mga mata nito. Nagliliwanag sa kaputian ang batang may porselanang kutis at mamula-mulang pisngi.

“Sino ka? A-Ano’ng ginagawa mo rito? Paano ka nakapasok?” sunod-sunod na tanong ni Romeo.

Nakangiti itong nagpakilala kay Romeo. “Mister, ako nga pala si Angelica! Nice to meet you po!” Sabay pa-cute ng mga mata niya na parang tuta.

“S-Sandali, a-ano’ng klaseng nilalang ka?” Naibaling ni Romeo ang tingin niya sa nagkalat na basag na itlog. “Dinosaur ka noh? Ano’ng uri ng dinosaur ka?” wala sa hulog na tanong nito sa bata.

“For your information, hindi ako dinosaur! Isa akong anghel!” Nag-finger snap ang bata’t biglang lumitaw ang angel hallo nito sa ulo.

“Waaahhh!” gulat ni Romeo. “M-May hallo ka sa ulo?!” Turo pa ng binata sa bata.

“Syempre naman, anghel nga po ako ‘di ba?!” pilosopong sagot naman ni Angelica.

Hindi lang ito ang ginawa ni Angelica, umikot pa ito saka lumitaw ang kumikinang at nakakaakit nitong pares ng pakpak. “Ako po si Angelica, at your service po!” Sabay ngiti at kindat.

Paulit-ulit na kinuskos ni Romeo ang mga mata niya at sinugurong hindi siya nananaginip ng mga sandaling ‘yon. No’ng araw ring iyon ipinagtapat ni Angelica ang tunay niyang pakay, kung bakit siya nasa mundo ng mga tao.

Naupo si Angelica sa harapan ni Romeo nang nakalutang sa ere.

“Katulad ng ibang mga anghel dati rin akong mortal na tao! Nang magising ako kasama ko na ang iba pang kaluluwa sa langit. Doon binasbasan kami ng Panginoon upang maging cute na mga anghel pero, bago kami tuluyang makapasok sa tahanan ng Panginoon binigyan muna niya kami ng mahalagang misyon.” Tumayo si Angelica nang nakalutang pa rin sa hangin. Itinapat niya ang mukha niya sa mukha ni Romeo saka ngumisi. Lumipad si Angelica patungo sa bintana at hinawi ang kurtina. Itinuro niya ang langit na puno ng mga bituin.

Tumingala si Angelica’t pinagmasdan ang langit. “Nilagay ang kaluluwa namin sa loob ng sagradong itlog, ipinadala’t ikinalat sa mundo ng mga tao. May kanya-kanya kaming distinasyon, misyon naming ibalik ang pagmamahal sa puso ng mga taong nawalan nang pag-asa sa buhay. May kundisyon ang pananatili namin sa mundo ng mga tao, bawal namin gamitin ang kapangyarihan namin lalo na sa personal na dahilan. Maaari lamang namin itong gamitin kung pahihintulutan kami ng Panginoon.

Takang-taka ang mukha ni Romeo, hindi niya maintindihan ang mga pangyayari. Nanatili siyang nakatingin kay Angelica.

Kumislap ang mga mata ni Angelica, may kung ano’ng bagay ang biglang tumusok sa puso ni Romeo. Napalihis ito nang tingin sa ibang dereksyon sabay subsob ng mukha sa unan na nakapatong sa kanyang dalawang binti.

“Kalokohan! Nagkamali ka siguro ng taong pinuntahan. Ang mabuti pa bumalik ka na lang kung saan ka nanggaling!” Ibinagsak ni Romeo ang katawan niya sa kama’t nagtalukbong ng kumot.

“Uhm… Mister?” Lumipad papalapit si Angelica kay Romeo.

“Romeo Santiago ang pangalan ko! At siya nga pala, 16 years old lang ako huwag mo ‘kong tawaging ‘Mister’!” sigaw pa niya.

“Pero… nararamdaman kong kailangan mo po ng tulong, Mister!” nakakunot ang noo ni Angelica nang tabihan niya si Romeo sa kama. “Naniniwala akong may dahilan ang Diyos kung bakit nasa tabi mo ako ngayon. Wala akong memorya sa buhay ko noon basta ang alam ko misyon kong paghilumin ang sugat sa puso mo, Mister.

Naramdaman ni Romeo na tinabihan siya ni Angelica sa higaan, wala naman itong imik kaya hindi na rin nagsalita ang binata. Nakatagilid si Romeo habang nakadikit sa likod niya ang anghel na si Angelica. Naramdaman ni Romeo ang kakaibang ginhawa’t tuluyan siyang napapikit at nakatulog.

Bumukas ang pinto’t nakita ni Lola Pasing na mahimbing na natutulog si Romeo. Hindi nakikita ng ibang tao ang anghel maliban sa taong pinagpakitaan nito. Kaya gumuhit ang ngiti sa labi ng matanda nang masilayan ang maamong mukha ng kanyang apo.

KINABUKASAN naalimpungatan si Romeo nang tumagilid siya kaharap si Angelica. Pikit-mulat niyang tinitignan ang katabing anghel na mahimbing na natutulog nang mapansin niya ang isang nakakagulat na bagay. Para siyang may nahawakang malamot sa tabi niya. Mainit at parang ayaw na niyang alisin ang kamay niya sa pagkakapatong nito sa malambot na bagay na iyon.

“Waaahhh!” sigaw ni Romeo.

Mabilis siyang bumangon at inilayo ang sarili, napansin niya ang pagbabago sa batang anghel. Tinitigan niya ito mula ulo hanggang paa nang magising na rin si Angelica, napansin nito ang namumulang mukha ni Romeo.

“A-Ang… ano… k-kataw-an…” nauutal na bulong ni Romeo. Hindi niya maiayos ang mga salitang gusto niyang bigkasin.

“Mister, may sakit ka po ba? Namumula po ang mukha mo.” Dahan-dahang lumapit si Angelica, inaantok pa ang mukha’t litaw ang balikat sa maluwag na bestida.

Nayuko si Angelica at ipinatong ang isang kamay sa noo ni Romeo. Bumagsak sa dibdib ni Angelica ang gintong buhok niya. Hinawi niya ito gamit ang isang kamay habang ang isa ay nakalapat sa noo ng binata.

“Mister? Ang init mo po” Itinagilid ni Angelica ang ulo niya sa pagtataka.

Lalo pang napalunok-laway si Romeo nang mapagmasdan ang nakakaakit na ganda ni Angelica. Para itong bulaklak na biglang bumukadkad sa ganda sa loob lamang ng isang gabi. Lalong umangat ang init sa katawan ni Romeo, halos umusok ang ulo niya sa kakaibang sensayon.

“T-Teka!” Hinawi ni Romeo ang kamay ni Angelica. Mahirap ang sitwasyong iyon para sa lalaking tulad niya.

Pinangtakip ni Romeo ang dalawang palad niya sa mukha. “Kagabi mukhang kinder ka lang, bakit ngayon mukha ka nang high school?” Pinilit niyang sumilip sa uwang ng magkadikit niyang kamay.

Hinablot ni Romeo ang kumot, ipinangtakip ito sa ibabang parte ng katawan niya. Delikado, umaga pa naman tapos kaharap pa niya ang magandang babaeng inosente ang mukha.

Nahinto si Angelica sa paglapit kay Romeo nang mapansin niya ang sariling katawan. Mukha na nga siyang high school student sa katawan niyang biglang hinubog sa isang gabi lang.

“Nakalimutan ko po pa lang sabihin sa ‘yo mabilis nga pala kaming lumaki dahil wala na kami sa loob ng sagradong itlog na siyang pumipigil sa paglaki namin. Darating ang araw na babalik kami sa tunay naming laki at anyo noong bago kami mamatay. Kapag lumabas na kami sa itlog magsisimula ang 31 days na pagbabago sa aming katawan, sa loob din ng 31 days matatapos ang aming misyon.

“Hah?! Bakit hindi mo sinabi kaagad kagabi!” nahihiyang usal ni Romeo, nakasilip ang isang mata sa gitna ng kanyang mga daliri.

“Sorry naman po, ang sarap kasi ng tulog mo kaya tinabihan na lang kita at hindi na ginambala pa. Kasama nga pala sa bilang ang unang araw na dumating ako bilang itlog.

“Ibig sabihin pangatlong araw na ngayon?

“Opo! Mister!” masayang sambit ni Angelica sa harap ni Romeo.

Ang unang araw ni Angelica ay nang ilagay ang kaluluwa niya sa loob ng sagradong itlog at ipadala sa lupa mula sa langit. Pangalawang araw ay ang araw na una nilang pagkikita ni Remeo, kahapon lang iyon. Ngayon ang ikatlong araw kaya nang makalabas si Angelica sa loob ng itlog mabilis ang naging paglaki niya.

Sa loob ng 31 days makakasama ni Romeo si Angelica upang tuparin ang misyon niya. Sa oras na matapos iyon ay babalik na siya sa langit at magiging ganap na anghel.

Nang araw ding ‘yon kasama ni Romeo si Angelica na pumasok sa eskwelahan. Litaw ang dalawang pakpak na ikinakampay ng anghel sa kanyang paglipad. Hindi nakikita ng ibang tao ang kasamang anghel ni Romeo, nanatili lang siyang nakalutang sa kawalan habang sinusundan ang binata.

“Mister! Dito lang ako sa tabi mo po!

“Huwag kang sumigaw naririnig naman kita!

Ngumiti si Angelica. “Mister! Gawin po nating makabuluhan ang buhay mo! Huwag mo na pong tatangkaing magpakamatay!

Inisnab lang ni Romeo ang sinabi ni Angelica.

LUMIPAS ang ikaanim na araw ni Angelica sa tabi ni Romeo, dito niya lubos na naunawan ang kalagayan ng binata. Dito natuklasan ni Angelica ang dahilan ng lalaki para tapusin nito ang sarili niyang buhay.

Nakita ng anghel kung paano pagkaisahan si Romeo sa loob ng silid-aralan. May malaking pilat sa mukha si Romeo. Nakuha niya ito dahil sa sunog na naging sanhi ng pagkamatay ng mga magulang niya. Simula ng mamatay ang mga magulang ni Romeo ang lola niya ang nagpalaki sa kanya. Pero dahil sa pilat sa mukha naging tampulan naman ito ng pambu-bully sa kanya sa paaralan.

Isang umaga nagulat ang mga estudyante nang may transfer student na dumating. Ipinakilala siya ng kanilang guro sa lahat. Natulala ang mga estudyante nang makita ang nakakaakit na mukha ng bago nilang kaklase. Lahat sila ay parang nakakita ng artista sa sobrang ganda.

“Class siya ang bago n’yong kaklase siya si Agelica Heaven, galing siya sa probinsya kaya sana i-welcome n’yo siya rito sa school natin.

“Magandang umaga sa inyong lahat! Nice to meet you po!” Ngiti ni Angelica bilang isang estudyanteng dalaga.

Ang lahat ay napatitig sa magandang ngiti ni Angelica, habang ang mga tingin naman ng anghel ay nakatuon sa dereksyon ni Romeo. Isa nang ganap na dalaga ang katawan ng dating batang anghel. Nakamit na ni Angelica ang orihinal niyang hitsura, bumalik na rin ang malakas niyang kapangyarihan at dahil dito nagagawa na niyang mag-anyong tao.

Tumabi si Angelica sa bakanteng upuan sa tabi ni Romeo, hindi naman makatingin sa kanya ang binata’t nakabaling lang ang tingin nito sa labas ng bintana. Lumipas ang mga oras, tumunog ang bell oras ng lunch break nila.

“Mister, tara kain na tayo!” Inilabas ni Angelica ang dala niyang baon.

Nagtinginan ang lahat ng mga kaklase nila’t tinitigan nang masama si Romeo. Nakaramdam ng pagkailang si Romeo kayat lumabas siya ng kuwarto nang mag-isa. Sinundan siya ni Angelica hanggang makarating sila sa likod ng school building.

“Mister! Sandali lang!

“Ano ba?” sigaw ni Romeo.

Kasabay nang malakas na sigaw ni Romeo ang malakas na hanging nagbigay ng lungkot sa mga tingin ng binata. Nang biglang dumating ang grupo ni Ruppert, kaagad nitong napansin ang magandang transfer student na ngayon lang niya nakita sa loob ng eskwelahan.

Lumapit si Ruppert at agad hinawakan ang braso ni Angelica. Agad nabitawan ng dalaga ang bitbit nitong lunch box.

“Hayaan mo na ‘yan, sumama ka na lang sa amin at ililibre ka namin ng pagkain!” Napangisi si Ruppert habang pilit nitong hinahatak si Angelica palapit sa kanya.

Hindi nakatiis si Romeo, pumagitna siya’t hinawakan niya ang kamay ni Ruppert sabay alis sa pagkakahawak sa braso ni Angelica. “Tama na! Itigil n’yo na ‘to!

“Ano’ng sabi mo?!” Itinulak ni Ruppert si Romeo mula sa dibdib.

Dahil dito napikon si Ruppert, isang suntok sana ang gagawin nito nang biglang dumating ang isang teacher at napigilan nito si Ruppert. Dahil dito ipina-guidance ng teacher ang buong grupo ng mga salbaheng estudyante. Hawak ng guro sa kuwelyo si Ruppoer, bago tuluyang umalis nagawa pa nitong insultuhin si Romeo.

“Humanda ka, lalaking may pilat sa mukha!” Nakatikim naman si Ruppert ng pingot galing sa gurong sumaway sa kanila.

Napayuko na lamang si Romeo, nilapitan niya ang baunan saka dinampot ang mga nahulog na pagkain. “Pasensya na, nasayang tuloy ang baon mo,” paumanhin ni Romeo.

Umiling-iling ng ulo si Angelica. “Wala po iyon, Mister.

Iniabot ni Romeo ang baunan kay Angelica, hindi sinasadyang napahawak ang kamay ng anghel sa kanya. Mabili ang naging reaksyon ni Romeo at napalihis na lamang siya ng tingin sa ibang dereksyon. Sa simpleng pagdikit ng kanilang balat sa kamay para na siyang aapuyin sa sobrang init ng pakiramdam ng binata.

“Salamat sa ginawa mo kanina,” ani Angelica. Gumuhit ang malaking ngiti sa labi ni Angelica.

“A-Angelica…” mahinang bulong ni Romeo sa pangalan ng anghel.

Sa mga sandaling ‘yon may kung anong naramdaman si Romeo na hindi niya maipaliwanag. Unti-unting bumibilis ang tibok ng puso ni Romeo. Kasabay ng pag-ihip ng hangin, napasulyap ang binata sa nakangiting anghel. Kumikislap ang gintong buhok nito na umaalon kasabay ng hangin, lalo pang nakadagdag sa nararamdaman ni Romeo ang makitang kumikinang ang mga mata nito habang nakangiti.

“H-Huwag mo ‘kong tingnan nang ganyan.” Sabay tanggal ng kamay saka nayuko’t tumalikod. Humakbang ng lakad si Romeo nang may pamumula sa mukha ng binata. Hindi maipaliwanag ni Romeo kung ano ba itong nararamdaman niya. Tila matagal na niyang kilala si Angelica.

DUMATING ang ika-sampung araw. Umuulan nang malakas at hindi makauwi si Romeo dahil naiwan niya ang kanyang payong mabuti na lang at may dala si Angelica.

“Mister, sabay na tayo!” aya ni Angelica kay Romeo.

Binuklat niya ang dalang payong saka pinasilong si Romeo. No’ng una’y nahihiya pang tanggapin ng binata ang anyaya ni Angelica. Pero dahil napapansin niya ang lalong paglakas ng ulan wala na rin itong nagawa kundi ang sumukob sa payong. Si Romeo ang humawak ng payong, halos magkadikit ang kanilang braso.

Heto na naman ang pamumula ni Romeo. Hindi siya mapalagay tuwing nakakatabi niya si Angelica.

“Kinuha mo ba ‘tong payong sa bahay?” tanong ni Romeo, pamilyar sa kanya ang desensyo ng payong.

“Oo, alam ko kasi na uulan kaya kinuha ko muna itong payong.

“T-Talaga?

“Mister…”

Biglang napaigtad si Romeo sa ginawang pagsandal ni Angelica sa kanyang braso. “A-Ano’ng ginagawa mo?!

“Huh? Nilalamig po kasi ako,” malambing na bulong ni Angelica. Isinuot niya ang kamay niya’t ikinulong ang braso ni Romeo sa kanyang dibdib. “Hayan, mainit na!” inosenteng sambit ni Angelica.

Parang gusto nang kumawala ng puso ni Romeo sa sobrang ingay nito sa loob. Sa isip niya’y pwede na siyang atakihin sa sobrang lambing ni Angelica. Napakainosente pa ng anghel na parang walang muwang sa paligid.

“Hindi mo dapat ginagawa ‘yan!

“Ang alin?” inosenteng taka ni Angelica.

“Tch!” Natamihik na lang si Romeo, hahaba pa kasi at baka hindi lang maintindihan ni Angelica.

Napatingin na lamang si Romeo kay Angelica nang may pagtataka. Bumabalik si Angelica sa pagiging anghel tuwing nasa bahay na sila. Nagkakatawang tao lamang ito tuwing papasok sa eskuwelahan. Pakiramdam ni Romeo may roommate siya sa sarili niyang kuwarto.

Sa kanilang paglalakad pauwi biglang lumakas ang ulan sinamahan pa nito nang malakas na bugso ng hangin. Mabilis na napakubli ang dalawa sa pinakamalapit na waiting shed sa kanto. Walang ibang tao roon kundi silang dalawa lang, napansin ni Romeo ang basang uniporme ni Angelica.

“Isuot mo muna ‘tong polo ko, medyo nabasa nang kaunti.” Tinanggal ni Romeo ang polo shirt niya saka ibinigay kay Angelica.

“S-Salamat,” nahihiyang sagot ng anghel.

Naging tahimik ang paligid parang may kung anong nagpatigil ng ingay ng ulan. Ang tanging naririnig ngayon ni Romeo ay ang kakaibang pintig ng puso niya. Maya’t maya rin ang sulyap ni Romeo sa katabing anghel. Habang tumatagal nararamdaman niyang nahuhulog ang puso ni kay Angelica.

Naging tahimik at malungkot ang pag-ihip ng hangin.

“A-Angelica, bakit nagkatawang tao ka’t pumasok sa school ko?” biglang tanong ni Romeo kay Angelica.

Napatingin si Angelica sa kanya, tinitigan niya si Romeo saka nginitian. “Naramdaman ko na parang may kailangan akong gawin sa school mo at isa pa kailangan kitang sundan saan ka man magtungo! Hangga’t narito ako sa tabi mo hinding-hindi ko hahayaang mag-isa ka, Mister!

Napakunot-noo si Romeo. “Sinabi nang huwag mo kong tawaging mister!” Isang mahabang buntong-hininga ang ginawa ni Romeo bago tumakbo sa ulanan.

“Gamitin mo na ‘yang payong pauwi, tatakbo na lang ako!” sigaw nito bago tuluyang tumakbo nang mabilis.

Kaagad namang binuklat ni Angelica ang payong at sinundan si Romeo. Biglang nahinto sandali si Romeo nang lingunin niya si Angelica, tila nagbago ang paligid at ang mga butil ng ulan ay nagmistulang talulot ng rosas na bumabagsak sa langit. Sa wari ni Romeo’y narinig na niya ang tinig ni Angelica noon.

“Mister! Hindi ka dapat nagpapaulan! Magkakasakit ka n’yan!” Pinayungang muli ni Angelica si Romeo nang mahabol niya ang binatang nakatayo at nakatitig sa kanya.

ILANG araw nang napapansin ni Lola Pasing ang apong si Romeo na madalas matulog sa sahig na sinapinan ng manipis na banig. Madalas din nitong mapansin na napaparami ang pagkaing dinadala nito sa kuwarto. Nawiwirduhan na ang matanda sa kakaibang kinikilos ng apo. Kinagabihan araw ng Linggo umalis ang matanda bumisita ito sa isang kakilala. Nang umuwi ito mula sa mahabang araw, kaagad hinanap ni Lola Pasing si Romeo. Nakaupo si Romeo sa hapagkainan, may mabangong naamoy ang matanda.

“Aba apo, ikaw yata ang nagluto ngayon?” takang tanong ng matanda.

“Ah, eh… ginugutom na po kasi ako Lola, kumain na rin po kayo.

Nilagyan ni Romeo ng plato ang puwesto ng matanda sa mesa at doon silang dalawa kumain nang sabay.

“Siya nga pala, galing ako sa bahay ng mga—“

“La! Ayoko ko pong marinig!” Binilisan ni Romeo ang pagkain saka siya kumuha ng isa pang plato na may lamang kanin at mangkok na may ulam. Umakyat si Romeo sa itaas at naiwan ang lola niya sa hapagkainan.

Gumuhit ang lungkot sa mga mata ng matanda habang pinagmamasdang umakyat si Romeo sa hagdan. Hindi pa rin nito makalimutan ang nangyari sa kanyang mga magulang. Ang sunog na nagpabago hindi lang sa mukha ni Romeo, maging sa buhay nilang maglola.

SA loob ng kuwarto ni Romeo, abala namang kumakain si Angelica. Mayamaya’y napansin nito ang lungkot sa mukha ng binata. Sa ilang araw na pananatili ni Angelica sa tabi ni Romeo natuklasan nitong sinisisi ng binata ang sarili niya sa pagkamatay ng mga magulang nito. Pinagmasdan ni Angelica si Romeo habang nakadungaw ito sa bintana, malungkot na tinititigan ang langit.

“Sampung taong gulang ako noon nang magkaroon ng malaking sunog sa dati naming tinitirahan…”

Sa hindi malamang dahilan biglang napakwento si Romeo, ramdam niyang kailangan niyang may sabihin sa kasama niyang anghel.

Muli siyang nagpatuloy habang tahimik na nakikinig si Angelica. “Nagsimula ang sunog sa likurang bahay mabilis itong kumalat hanggang makarating sa mga bahay na nasa unahan. Mahimbing ang tulog naming mag-anak nang maamoy ni Papa na parang may nasusunog. Ginising niya kami’t mabilis naman kaming nakalabas. Rinig na rinig ko ang mga taong nagkakagulo dahil nais pa nilang isalba ang mga gamit nila ang iba nama’y umiiyak na lamang habang pinapanuod na nilalamon ng apoy ang bahay nila.

Sandaling natigil si Romeo, tinabihan niya si Angelica sa kama’t naupo rito. “Nakarinig ako ng ingay, tinig ng batang babaeng humihingi ng tulong sa katabing bahay. Hindi pa man tuluyang natutupok ang bahay na ‘yon, hindi ko alam parang may sumapi sa katawan ko’t bigla akong kumilos nang hindi nagdadalawang isip. Sinundan ako nila Mama at Papa at sa ikalawang palapag natagpuan namin ang batang babae. Takot na takot siya kaya hindi siya makalabas at wala ring makarinig ng tinig niya. Palabas na sana kami nang biglang lumakas ang hangin at tuloy-tuloy nang nilamon ang kabahayan ng apoy. Gumawa nang paraan ang mga magulang ko para makalabas kaming dalawa. Kinarga ko ang batang babae hanggang makarating kami sa isang kwarto’t doon binasag ni Papa ang bintana’t sumigaw nang sumigaw hanggang sa makita kami ng mga bombero’t kaagad kami tinulungan. Nagawa nilang akyatin at iligtas kami ng batang babae nang biglang may pumutok sa loob ng bahay at agad na nagbagsakan ang mga gamit sa loob nito, sa lakas ng pagsabog may tumilapon pang bagay na tumama sa mukha ko kaya bahagyang nasunog ito.

“A-Ang mama at papa mo hindi na nakaligtas?” mahinang tanong ni Angelica.

Umiling si Romeo bilang sagot, huminga nang malalim saka iniyuko’t itinago ang may pilat na parte ng mukha. “Habang buhay kong dadalhin ang peklat na ‘to, ito ang magpapaalala sa akin nang ginawa ko, kung hindi sana ako nagpakabayani’t hindi lumusob sa bahay upang iligtas ang batang ‘yon, sana…sana buhay pa sila Mama’t Papa!” sising-sising wika ni Romeo.

Isang malambot na kamay ang humawak sa pisngi ni Romeo. Itinaas ni Angelica ang mukha ng binata sa harapan niya kung saan nakatayo ang anghel at pinagmamasdan siya. Isang mainit na palad ang nakadampi sa itinatagong pilat ni Romeo.

“Hindi mo kasalanan, may dahilan ang Panginoon kung bakit ikaw lang ang tanging nakarinig sa tinig ng batang ‘yon. Ginawa ng mga magulang mo ang lahat para iligtas kayo, hindi mo dapat sisihin ang sarili mo!

“Pero…” Kagat-labing natigil si Romeo.

Lumiwanag ang paligid ni Romeo, isang mainit na yakap ang hinandog ni Angelica para sa kanya. Ikinampay ni Angelica ang dalawang pakpak niya’t iginapos sa katawan ni Romeo. Lalong nakadagdag ng init sa pakiramdam nang maamoy ng binata ang napakabangong halimuyak na nanggagaling sa pakpak ni Angelica. Hindi napigilan ni Romeo ang kanyang sarili’t tuluyan nang tumulo ang mga luha niya. Kusang kumilos ang mga kamay ng binata’t sinuklian niya ang yakap ni Angelica.

“Huwag mong isara ang puso mo, Mister,” malumanay na bulong ni Angelica.

“Angelica…”

Dahan-dahang napapikit si Romeo, naging panatag ang kalooban ng binata’t tuluyan nang nakatulog sa bisig ni Angelica.

UMABOT na sa ika-labing limang araw si Angelica sa tabi ni Romeo. Simula nang buksan ni Romeo ang nakaraan sa kanyang pilat sa mukha, may kaunti na itong pagbabago. Ngunit, hindi pa rin maiwasang makaramdam ng sakit ang binata sa tuwing pinag-uusapan siya’t pinagkakaisahan sa eskwelahan.

Unang araw ng school foundation day, ang buong campus ay nakagayak at maraming programang nakahanda. Isa na rito ang gagawin ng buong klase na maid café sa araw na ito bukas ang buong campus sa lahat ng taong gustong makisaya sa foundation day.

Habang abala ang lahat, biglang napag-utusan si Romeo na kumuha ng basahan sa storage room. Sinamahan naman siya ni Angelica’t habang patungo sila sa 4th floor kung nasaan ito, hindi nila alam na nakasunod sina Ruppert sa kanila. Isang malakas na pagsara ng pinto ginawa ni Ruppert. Maliit lamang na kwarto ito at walang bintana sa hallway kaya nakulong ang dalawa sa loob. May sliding lock ang pinto ng storage room kaya kahit anong pihit ni Romeo mula sa loob ay hindi niya ito mabuksan.

“Buksan n’yo ‘to!” sigaw ni Romeo, habang malakas na hinahampas ang pinto.

Tumawa nang malakas si Ruppert. “Iyan ang bagay sa ‘yo, pilat!

Tuluyan nang iniwan nina Ruppert ang dalawa sa loob ng storage room at nilagyan ng sign na under construction ang storage room para walang magtangkang pumasok sa loob. Bumalik sina Ruppert at ibinalita sa mga kaklase nito na umuwi na siya’t hindi na gustong mag-participate sa kanila.

LUMIPAS ang mga oras, nakatayo si Romeo at sumisilip sa maliit na bintana malapit sa kisame ng storage room. Pansin nila ang nalalapit na paglubog ng araw, bukas ang bintana’t ito ang nagbibigay ng hangin sa kanila sa loob.

“Hindi mo ba maaaring gamitin ang kapangyarihan mo?” tanong ni Romeo.

Umiling si Angelica. “Sorry, hindi maaari, siguradong may iba pang paraan para makalabas tayo rito, Mister.

“Wala nang ibang paraan! Sigurado akong walang maghahanap sa atin dahil sa kagagawan ni Ruppert.” Napaupo na lamang sa tabi ni Angelica si Romeo.

“Pasensya na, Mister. Wala kasing pahintulot ng langit, dapat nating sulusyonan ito sa paraan natin.

Makalipas pa ang ilang sandali nakarinig nang malakas na pagsabog ang dalawa’t narinig nila na parang nagkakagulo ang mga tao. Naririnig nila ito mula sa bukas na bintana, parang may mga sumisigaw sa labas.

“Mister! Parang may naamoy akong nasusunog na bagay?” Tumakbo sa harap ng pinto si Angelica’t may napansin siyang itim na usok na gumagapang sa ilalim ng pinto.

“Nasusunog ang school?” mabilis na tugon ni Romeo. “Kailangan na nating makalabas dito!” atubili niyang litanya.

Lumuhod si Angelica’t nanalangin nang timtim, nabalutan nang liwanag ang paligid at katawan ng anghel. Lumitaw ang mga pakpak ni Angelica’t umalis sa pagiging anyong tao nito.

“Panginoon, pahintuluyan n’yo na po akong gamitin ang kapangyarihan ko ngayon upang iligtas hindi lang ang buhay ni Romeo, maging ang iba pa pong naririto sa school!” Isang ray of light ang lumitaw nang tumingala si Angelica sa itaas.

Isang puting kalapati ang nagbigay basbas kay Angelica upang magamit nito kapangyarihan na kinakailangan niya. Lumipad si Angelica’t itinapat niya ang kamay sa pinto, lumitaw ang bola ng liwanag sa kamay niya’t sinugod ang pinto. Bumukas nang malakas ang pinto sa ginawa ni Angelica. Mabilis na lumabas ang dalawa’t bumaba ng hagdan.

“Mister, lalagyan kita ng angel dust para maging proteksyon mo laban sa apoy at usok!” Mula sa palad ni Angelica, hinipan niya ang mahiwagang buhangin at ito ang nagsilbing pananggalang ni Romeo habang bumababa ng hagdan.

“Maraming salamat, Angelica!

Hawak kamay silang tumakbo at sinuong ang itim na usok. Hindi paman lubusang nakakalayo nang marinig ni Romeo ang sigaw ni Ruppert at ng mga kasama nito na nasa loob ng silid sa 3rd floor. Hindi nagdalawang isip si Romeo na puntahan ang mga ito’t iligtas. Nawalan ng malay ang tatlo kaya ang ginawa ni Romeo inakay niya ang mga ito halos gumapang na siya pababa ng hagdan at palabas ng school. Hindi naman siya pinabayaan ni Angelica’t patuloy pa rin ito sa pagbibigay ng angel dust para maging proteksyon nila.

“Kaunting tiis na lang, Mister!

“Oo! Kaya natin ‘to, Angelica!

Pagkalabas nila ng school building kaagad tinulungan ng mga tao si Romeo. Samantala si Angelica nama’y nakalutang sa hangin, hindi siya nakikita ng mga tao. Nakatitig siya sa apoy na tumutupok sa ibang parte ng building. Tila may naririnig siyang tinig at gunitang bumabalik sa kanyang isipan. Pamilyar na pakiramdam, isang sernaryong tila bumalik sa kanyang isipan. Tinatawag niya noon ang batang babaeng iniligtas niya. Kilala niya ito. Alam niya ang pangalan nito.

“Angelica! Angelica!” tawag ni Romeo sa nakatulalang anghel. Wala si Angelica sa paligid ni Romeo.

LUMIPAS ang 28 days ni Angelica sa tabi ni Romeo, malaking pagbabagong naganap simula nang makita ng mga tao ang kabayanihang ginagawa ng binata. Nakuha ni Romeo ang puso ng mga tao maging sina Ruppert ay humanga rito. Humingi sila ng tawad kay Romeo’t nakaramdam ang binata ng napakasayang pakiramdam. Hindi na siya tinutukso sa paaralan, naging kaibigan niya ang iba pang mga estudyante at lalong tumaas ang tiwala niya sa sarili.

Ang lahat nang ito ay dahil kay Angelica, ang anghel na tumulong sa kanya’t nagbukas ng liwanag sa madilim niyang mundo. Hindi pa man nakakamit ni Angelica ang 31 days na kanyang misyon nagbigay ng mensahe ang kalangitan na kinakailangan na niyang bumalik sa langit.

Kakaibang paalam ang ginawa ni Angelica kay Romeo. Karga-karga ni Angelica si Romeo sa kanyang bisig habang lumilipad sa himpapawid. Ramdam ng binata ang mabilis na pagdampi ng hangin sa kanyang balat. Umangat sila nang umangat hanggang makaabot sila sa kumpol ng mga ulap sa langit.

“Tingnan mo, Mister! Ang ganda ng tanawin mula rito sa itaas!” masayang sambit ni Angelica.

“O-oo nga! P-pero, huwag mo kong bibitiwan natatakot akong mahulog!” Kapit na kapit ang dalawang kamay ni Romeo sa balikat ni Angelica.

“Huwag kang mag-alala, Mister! May inilagay akong angel dust sa katawan mo kaya kahit bitiwan kita, hindi ka basta-basta mahuhulog sa lupa!” paliwanag ng anghel.

May kung anong lungkot ang pumapalibot sa hangin. Lilisanin na ni Angelica ang mundo ng mga buhay at babalik na sa langit upang maging isang ganap na anghel. Marami pang gustong sabihin si Romeo, gusto pa niyang makasama ang magandang anghel. Nagpakatotoo si Romeo sa sarili niya, sigurado siyang mahal na nga niya si Angelica. Ngunit pinigilan niya ang sarili niyang ipagtapat ito dahil alam niyang hindi sila maaaring magsama. Magkaiba ang mundo nilang dalawa.

Tila isang panaginip ang paglipad nilang dalawa sa kalangitan. Nakatitig si Romeo sa maamong mukha ni Angelica’t hindi niya maiwasang magtanong. “Talaga bang aalis kana kahit hindi pa tapos ang 31 days mo rito sa lupa?

Nahinto si Angelica’t dinahan-dahan nito ang pagbaba habang karga si Romeo. “Nagbigay nang mensahe ang Panginoon, kailangan ko nang bumalik… pero hayaan mo kahit wala na ako sa tabi mo, hinding-hindi ka na malulungkot!

“Angelica… a-ako ay…” Hindi makahanap nang lakas ng loob si Romeo upang magtapat kay Angelica.

“Mister… salamat! Mabuhay ka, ok?!” Isang mainit na halik sa noo ang ginawa ni Angelica kay Romeo.

Sa mga ngiting ipinakita ni Angelica, kusang bumuka ang bibig ni Romeo’t may sasabihin sana siya kay Angelica nang biglang maglaho ang anghel. Naging mabilis ang pagbulusok ni Romeo paibaba, napasigaw ang binata. “Mahal kita! Angelica!

Lumiwanag ang paligid napapikit si Romeo’t pagkamulat niya nasa loob na siya ng kuwarto’t nakahiga sa kama. Wala na ang anghel sa tabi niya, tanging piraso ng pakpak ni Angelica ang naiwan sa ibabaw ng dibdib ni Romeo.

Wala na siya, hindi ko manlang naipagtapat sa kanya ang nilalaman ng puso ko, Angelica…

KINABUKASAN isinama ni Lola Pasing si Romeo sa pamilya na palagi niyang dinadalaw. Ang pamilya Heaven, ito rin ang apelyedong ginamit ni Angelica no’ng nag-anyong tao siya. Sa hindi malamang dahilan bigla itong naisip ni Angelica na gamitin upang mabuo ang pangalan niya. Ang hindi alam ng dalawa, may kinalaman ito sa tunay na pagkatao ng anghel.

“Siya ang batang iniligtas mo noon, anim na taon na ang nakararaan, Romeo.” Pumasok sa loob ng kuwarto ang maglola. “Madalas ko siyang dalawin dito sa kanila, tingnan mo ang kalagayan ng kaawa-awang bata,” malungkot na litanya ng matanda.

Naroon ang pamilya ng bata, nakangiting binati sila.

“Siya ang anak naming si Angelica, malaki ang naging pagkukulang namin sa kanya simula no’ng iwan namin siyang nag-iisa sa bahay na muntik na niyang ikamatay,” sabi ni Mrs. Heaven.

“Dumating ka’t iniligtas mo siya, hindi namin alam kung paano ka pasasalamatan dahil alam naming naging kabayaran nito ang buhay ng iyong mga magulang.” Tinabihan ng mag-asawa ang na-commatose nilang anak.

“Simula no’ng mangyari ang sunog, naging mas sakitin siya. Pagkatapos nitong nakaraang taon lang bigla na lang siyang natumba’t nawalan ng malay. Na-commatose siya’t pinili naming dito na lang siya alagaan sa bahay. Hanggang ngayon hindi pa rin siya nagigising!” Napaluhod si Mrs. Heaven at parehong napaiyak ang mag-asawa.

Hindi makapaniwala si Romeo sa nakikita niya, isang payat at maputlang babae ang nasa harapan niya. Dahan-dahang lumapit si Romeo’t pinagmasdan ang hitsura nito. Bumalik sa alaala niya ang anghel na nakasama niya.

“Naniniwala akong may dahilan ang Diyos kung bakit nasa tabi mo ako ngayon. Wala akong memorya sa buhay ko, basta ang alam ko misyon kong paghilumin ang sugat sa puso mo, Mister.” Nagbalik ang mga salitang binigkas ni Angelica sa kanya.

Naupo si Romeo sa kama’t hinawakan ang kamay ng babaeng nakahiga. “Alam ko na… alam ko na kung bakit ka dinala ng Panginoon sa tabi ko. Para matanggap ko ang lahat-lahat nang nangyari noon. Angelica, pakiusap… gumising ka na… Angelica.” Inilagay ni Romeo ang kamay ni Angelica sa kanyang mukha na may pilat.

SAMANTALA narinig naman ng anghel sa kalangitan ang boses ni Romeo na tinatawag ang kanyang pangalan. Nakatayo si Angelica sa harap ng Panginoon at handa na siyang basbasan upang maging isang ganap na anghel at patuluyin sa bukas na pintuan patungo sa kaharian.

Napahawak sa balikat ni Angelica ang Panginoon saka nagwika. “Ano ang iyong nais? Sabihin mo’t ibibigay ko ang tunay na nilalaman ng iyong puso!

“Panginoon, patawad po! H-hindi pa po ako handang pumasok sa inyong tahanan!” buong loob na sagot ni Angelica.

“Nararamdaman ko ang nararamdaman mo, hayaan mo… ngayon din ay ibabalik kita sa mga taong minamahal mo!

Sa ika-31 days ni Angelica, ibinalik ng panginoon ang kaluluwa niya sa lupa kung nasaan ang katawan nitong matagal nang natutulog. Ang batang iniligtas noon ni Romeo ay walang iba kundi ang anghel na nakasama niya. Ang anghel na binigyan ng misyon upang lubos na maunawaan ni Romeo ang kahulugan ng buhay.

IKA-31 araw nang milagrong magkamalay si Angelica, tuwang-tuwa ang mga magulang niya nang imulat ng dalaga ang mga mata nito. Subalit ang pag-iisip niya’y nasa estado ng sampung taong gulang na bata. Ang kilos at pananalita nito’y hindi ayon sa pandalagang hitsura nito dahil sa nangyaring pagka-commatose. Kaagad ipinatawag ng mag-asawa si Romeo upang ibalita ang nangyaring paggising ni Angelica.

Hindi makapaniwala si Romeo sa kanyang nakita, nakaupo sa sahig at naglalaro ng manika ang isip batang si Angelica. Isinara ni Romeo ang pintuan at silang dalawa na lamang ang naiwan sa loob. Takang-taka ang isip bata kung sino ang lalaking pumasok sa kuwarto niya.

“Mister, sino po kayo?

“A-Angelica? A-Ako ‘to si Romeo,” mahinahon niyang pakilala.

“Mister?

Napangisi si Romeo. “Sinabi nang huwag mo ‘kong tawaging mister, may pangalan ako.

Parang balewala lang si Romeo sa bata, patuloy lang ito sa paglalaro. Napaluhod si Romeo’t bigla niyang niyakap si Angelica. Sa hindi malamang dahilan, ipinagtapat nito ang kanyang tunay na nararamdaman.

“Mahal kita, Angelica! Gusto ko lang malaman mo kung gaano ako nagpapasalamat na duamting ka sa buhay ko. Maraming salamat sa lahat! Dahil sa ‘yo, natutunan kong patawarin ang sarili ko, nagawa kong maging malakas at matatag. Hindi sulosyon ang pagkitil sa sariling buhay para takasan ang sakit ng nakaraan! Angelica, masaya ko’t bumalik ka na! Kahit hindi mo ako maalala, hinding-hindi kita iiwan! Nandito lang ako para sa ‘yo!

Unti-unting tumulo ang mga luha ni Romeo, sa kailaliman ng puso niya alam niyang hindi na babalik ang anghel na nakasama niya. Ang Angelica na nasa harap niya ay ang batang Angelica na iniligtas niya. Yakap-yakap niya ito sa kanyang bisig magkapareho sila ng init at amoy. Hanggang sa maramdaman ni Romeo ang mainit na palad ni Angelica. Natigilan si Romeo nang marinig ang pamilyar na tinig na bumulong sa tainga niya.

“Romeo, mahal din kita! Narinig ko ang tinig mo mula sa langit kaya ako bumalik! Maraming salamat dahil sa ‘yo naalala ko na ang lahat…”

Hawak ni Angelica ang puting balahibo sa kanyang kamay. Nahulog ito mula sa langit. Ito ang pakpak ni Angelica na naglalaman ng kanyang mga alaala bilang anghel. Nang hawakan ito ni Angelica bumalik ang lahat ng mga napagdaan nila bilang isang cute na anghel sa tabi ni Romeo.

“Ang balahibong ito’y regalo ng Panginoon. Magkakasama na tayo hindi lang sa loob ng 31 days kundi maging sa hinaharap!” Nakatitig si Angelica sa mukha ni Romeo.

Itinapat ni Angelica ang piraso ng pakpak sa pilat ni Romeo, lumiwanag ito hanggang sa mapapikit ang binata’t sa pagmulat niya ipinakita ni Angelica sa salamin ang makinis nitong mukha. Isang milagrong hindi maipaliwanag na tanging Diyos lamang ang may kakayahang gumawa.

“Magsisimula tayong muli, Romeo.

“Salamat at tinawag mo na ako sa pangalan ko!” biro niya kay Angelica.

“Palagi na kitang tatawagin sa pangalan mo, Romeo.” Isang mahigpit na yakap ang nagpainit sa kanilang nanabik na damdamin.

Nabalutan nang masayang tawanan ang loob ng kuwarto. Natapos ang araw na iyon nang masaya at puno ng pagmamahal sa puso nila. Panibagong araw, panibagong buhay, magpapatuloy sila na magkasama sa bawat pagsubok na darating sa buhay nila. Ang nakaraan ay kanilang tatanggapin, kasalukuyan ay kanilang mamahalin at ang kinabuksan ay kanila itong pagyayamanin.

Wakas